Ika-30 ng Marso, 1998
Sino ka? Ano ang papel mo sa mundo? May halaga ba ang buhay mo? Yagit. Palaboy. Pakalat-kalat sa daan. Basura ng lipunan. Gulanit ang damit. Nanlilimahid.
Anong bukas ang naghihintay sa isang katulad mo? “Palimos po ng barya”, ang sambit sa tuwina.
Nakasalalay ang pangangailangan mo sa mga taong maaawa sa iyo. Paano kung walang magbigay ng barya, anong mangyayari sa iyo? Paano maiibsan ang kalam ng sikmura mo? Sapat na ba ang isang basong tubig para mawala ito?
Pagsapit ng gabi, saan ang uwi mo? Sa ilalim ng tulay. Sa hagdan ng LRT. Sa upuan sa Luneta. Sa harap ng gusali sa Mabini. Sa breakwater sa Roxas Boulevard. Kahit saan. Kung saan abutin ng dilim basta may kapirasong lugar na malalapatan ng pagod mong katawan.